Pinoy Internet

Tuesday, June 17, 2008

Ano Ang Internet?

Ito ay isang maikling artikulo para sa mga baguhan sa mundo ng Internet at mas naiintindihan ang wikang Tagalog kaysa sa Ingles.

Nais kong ikumpara ang Internet sa mundong kinabibilangan natin. Bilyon-bilyon ang mga bahay o establisyimento sa mundo natin. Ang mga bahay na ito sa Internet ay tinatawag na "websayt" or "website."

Ang isang websayt ay puwede namang maihambing sa isang libro. Ang mga pahina sa mga librong ito ay karaniwang tinatawag na "webpage." Ang unang pahina ng libro o ang una mong makikita sa isang websayt ay ang kanyang "punong pahina" o "home page."

Maraming "links" o "kawing" kang puwedeng pindutin sa isang pahina. Ang mga kawing ito ay mga salitang karaniwang may guhit sa baba (underline) o kaya naman kapag idinaan mo sa ibabaw (hover) ay magi-iba ang itsura ng pointer sa inyong kompyuter (karaniwang nagiging kamay na nakapanuro.)

Maganda ang naidudulot ng Internet sa kasalukuyang henerasyon. Puwede mong malaman kung paano pumunta ng Makati mula Pasig. Puwede mong malaman ang recipe ng iyong paboritong pagkain. Kapag may pinagawang assigment sa ekswelahan, puwede mo itong mahanap sa Internet.

Bukod dito, puwede ka ring bumili sa Internet kahit nasa ibang bansa pa ang iyong bibilhan. Puwede kang mag-reserba ng upuan sa iyong paboritong sinehan. Puwede kang mag-order ng take-out gamit ang Internet. Puwede kang makipag-usap nang nakikita ang iyong asawa o anak na nasa ibayong bansa.

Ngunit paalaala lang po. Hindi lahat ng nababasa sa Internet ay totoo. Kilatisin mabuti ang reputasyon ng websayt na iyong bibistahin. Maraming manloloko ang gumagamit ng Internet. Huwag kayong mag-bibigay ng pribadong impormasyon tungkol sa inyong sarili lalo na sa 'di kilalang tao o ang mga nakaka-chat sa iba't bang chat room sa Internet.

Ipagpapatuloy...

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home